Showing posts with label untitled. Show all posts
Showing posts with label untitled. Show all posts

2.3.09

Antayteld...

Masaya ako sa araw-araw....
Nalilibang ako sa blog.
Nagagampanan ko ng maayos ang mga responsibilidad ko sa buhay buhay.
Nagagampanan ko din ang aking tungkulin sa simbahan.
Nakakatulog ako ng at least 6 hours a day (liban na nga lang kapag may taping o kung anu pang mga gig)..:P
Nakakamusta ko ang mga dapat kamustahin sa araw araw.
Nakakain ako ng 6 na beses sa isang araw (wag na magtaka, totoo yan!)
Nakakapag-ym ako kahit gaano ko kaabala sa isang bagay.
Nagmamahal ako kahit na hindi ako mahal.
Nagmumura ako pero lahat ito ay unintentional.(joke lang kumbaga)
Nagmamalasakit ako sa kapwa tao kahit na hindi ko ipinapahalata.
Masamang tao ako pero may kunsensya rin naman.
At higit sa lahat- may puso ako...naaawa, nalulungkot, at umiiyak din kung minsan.

Naisip ko yan ng umattend ako kagabi ng recollection.

Tanungin ka ba naman ng:
How's your heart Lately?


Tahimik akong lumingon at ngumiti sa mga "minamahal" kong brothers and sisters. Agad na hinanap ng mga mata ko ang reaksyon ni (sya na yun). At ako'y agad na yumuko at nag-isip. Inisip ko maigi kung kamusta na nga ba si pusu-pusuan ngayon. Wala akong maramdaman at maisip na posibleng estado niya. Kagaya ng nabanggit ko sa itaas, nasa ayos ang takbo ng buhay ko nitong mga nakaraang araw. May pabugsu-bugsong ihip ng masamang hangin ng problema, pero agad agad naman syang nawawala. Kaya muli kong tinanong ang nalilito kong sarili. Ano nga ba? Kamusta na nga ba ako?

Kagaya ng sinasabi ng marami, ang lugar na nilapagan ng aking spaceship ay isang rehabilitation area. Dito, magagawa at gagawin mo ang mga bagay na hindi mo pa ginagawa dati. Kung masamang tao ka dati, malamang sa malamang, mabago ang mga pamantayan mo pag napunta ka dito sa "LAND OF THE RISING SMELL". Malaya akong nakakakilos at nakakapag-isip sa ngayon, kesa dati. Na parang isang opisina ang takbo ng pamumuhay ko:
  • Ipapasa sa gabi ang mga listahan ng mga bagay-bagay na gagawin ko sa araw na iyon.
  • Matapos maaprubahan, magaallot ang budget ministry ng pera na gagastusin para sa mga activities.
  • Kapag handa na ang budget, ilalatag mo naman ang oras (kung maari ay bawat minuto) ng mga gagawin mong aktibiti.
  • Pag umuwi ka ng dis oras ng gabi, bubula ka at matutulog ng hindi nakakapagbanlaw.
Namimiss ko ang ganyang pamumuhay ngayon. Kung paano mabuhay ng may nagmamanipula sayo. Steady ka lang palagi dahil may taong gagabay at hahawak sayo bago ka pa madapa at masubsob sa putikan.

Ang pusu-pusuan ko ay gawa sa isang kahoy. Wooden heart kumbaga. Marupok. Madaling mabali. Madaling maapektuhan ng anay, ulan at kung anu-ano pang negative vibes sa paligid-ligid. Sa loob nito nagtatago at sumisigaw ang tunay na ako. Ang taong naghahangad ng malaking pagbabago ngunit takot gumawa ng hakbang papunta sa hinaharap. Ang tunay na "ako" na duwag tanggapin ang pagkatalo. Ang ako na nasasaktan sa twing may nakikitang nasasaktan. Ako, na nakakaramdam pa din ng luha at pighati sa bawat oras ng kalungkutan. At higit sa lahat, ang tunay na ako- na naghahanap ng maliit na porsyento ng pag-aalaga, atensyon at pagmamahal ng isang taong alam kong hindi kailanman ay magiging akin.