Showing posts with label epal. Show all posts
Showing posts with label epal. Show all posts

9.12.09

Ikaw

Habang lumalaki ang pagitan ng mundo namin ni Tertel, at tumataas ang pader na humaharang sa aming dalawa, unti-unting nagiging muling malapit ang mundo ko sa'yo. Nakakatuwa sapagkat sa wakas ay naisipan na nating talikuran ang mga bagay na namagitan sa ating dalawa once upon a time. Sabi ko nga, karapatan din naman nating magmove on. ...Move forward..Kase ang buhay natin, hindi naman paatras. :)

Tuluy-tuloy ang kulitan, kantsawan, at asaran. Pareho nating pilit tinatakasan ang pait na dala-dala ng nakaraan.

Ang kalungkutan.
Ang ating masayang pagmamahalan.
Ang ating malungkot na pagpapaalamanan.

Muli akong natakot sa iyong pagbabalik sa aking buhay. Ganun kahirap kapag walang closure gaya nga ng sabi ko sayo. Ganun kahirap kalimutan ang mga gabing iniyakan ko ang walang kwentang mga sulat mo. Ganun kahirap kalimutan ang mga alaalang sabay nating binuo simula pa nung mga bata tayo. Ganun kahirap kalimutan ang iyong mga ngiti. Ang iyong mga nakakatunaw na tingin. Ganun kahirap na pulutin muli ang aking sarili kung sakaling mahulog na naman ako sa'yo sa pagkakataong ito.

Palihim akong namili.
Nag-isip.
At nakinig.
Hinintay ko ang iyong paliwanag.
Pero wala kang isinagot kundi katahimikan.

..................................
Katahimikang nakamamatay,nakakabingi --- kagaya ng realidad na patuloy nating pinapaasa ang isa't isa sa mga bagay na matagal naman nang nawala at namatay..........

4.6.09

Kailangan pa ba?

Baluktot ang paniniwala ko sa buhay. Oo, kaya nga andito ako sa ibang bansa. Baluktot ako mag-isip. Adik ako, masamang tao, masamang impluwensya sa ibang tao at walang maidudulot na kabutihan sa sambayanan. Isa akong drop out, isa akong tambay. Hindi ako propesyonal na akawntant o inhinyero kaya sinipa ako ng mga magulang ko patungo dito...

Ngunit.........

Sa kabila ng mga pagkukulang ko sa buhay. Marunong akong magmahal at rumespeto ng opinyon ng iba. Kapag hindi ko ito nagustuhan, tahimik lang ako. Pag hindi ko alam ang nangyayari, nagtatanong ako. Pag alam kong may nangangamoy na away, hindi ako kailanman nagiging dahilan upang maging instrumento para magpatuloy pa ang bangayan sa paligid ligid. Hindi ako balimbing, hindi ako sakim. Hindi ako uhaw sa atensyon ng iba. Hindi ko kailanman ninais na gawing kasangkapan ang iba upang ako ay mapansin ng karamihan. Kuntento ako sa maliit kong mundo. Walang away, walang gulo. Welkam ang lahat ng opinyon.

Andito ako para sa PERA,ngunit hindi lang dun nagtatapos ang lahat. Nandito rin ako para sa aking pamilya, para sa kanilang mga pangarap. Nandito ako dahil may dahilan. Nandito ako upang ako ay may matutuhan. Nandito ako hindi para sa pipitsuging Tsokolate. Nandito ako dahil sa pagmamahal ko sa aking pamilya. Nandito ako dahil ginusto ko ito. Nandito ako hindi dahil gusto kong maconsider ng pamahalaan na bayani. Nandito ako dahil sa PAGMAMAHAL at RESPETO ko sa aking pamilya. Dahil marunong akong rumespeto sa damdamin at prinsipyo ng iba.

Ngayon sabihin mo?

Kailangan pa ba na paulit-ulit isa-isahin lahat yan?