Dahan dahan kitang palalayain
Hahayaang ibang daan ang tahakin
Ngunit kung sakaling ako ay lingunin
Aking iuusal na kailanpaman "ika'y mamahalin"
Mga salita ay hindi maapuhap
Dito sa aking utak bawat bagay ay di malingap
Sa aking pagpikit ikaw ay nakikita
at ang iyong anino, kasama siya
>>> Nasulat ko yan kagabi,bago ako hilain ng aking kama para matulog. Hindi ko naman malaman kung kunektado nga ba sa tunay na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko rin alam kung bakit hanggang ngayon eh magulo pa din ang takbo ng utak ko. Hindi ko malaman kung ano nga ba ang gusto kong gawin, isipin, kainin, lutuin, panoorin, trabahuin, kulitin, kutingtingin, at kung anu-ano pang makabuluhang bagay na dapat ay tumakbo sa aking isip. Hindi naman ako ganito dati. Siguro childish lang talaga ang approach ko sa mga bagay bagay sa paligid kaya ang epekto saken eh ganito. Siguro nga, malamang, pwede rin, pwede na. Oo na nga. Hayy. Buhay. Magulo. Maingay. Makulit. Seryoso. Paikot-ikot. Maligalig. Nakakabaliw. Nakakabalisa. Nakakaantok.
Nakakaantok.
Nakakaantok.
Tama, inaantok nga ako. Kahit na natulog ako ng sampung oras kagabi, pakiramdam ko ay pagod na pagod pa din ako. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hindi man lang ako kinapitan ng kahit na anong lungkot ng magpaalam sya saken. Siguro nga ay nasanay na ko. Ilang taon din naman akong nabuhay ng mag-isa lang. May kaibigan, pero kokonti lang. Piling-pili lang. Hindi mo din ako makakausap ng matino. Weather-weather lang. Speaking of weather, natatawa ko dahil umulan ng yelo dito kagabi. Literal. Literal na yelo ang bumagsak mula sa kalangitan ng Land of the Rising Smell. Nabanggit lang yan saken ni Azel sa pamamagitan ng isang phone patch. Subalit pagkatapos ng aming usapan, agad akong tinablan ng pananamlay at bumalik sa mahimbing na pagkalinga ng aking kama. Maya-maya pa ay may narinig akong kung anong ingay. Away. Away. Na naman. hehe. Yan ang hirap sa mga mag-asawa, pag may sinaltik sa isa sa kanila, asahan mo pati tulog mag-eenjoy sa drama nila. At ayun na nga ang nangyari, drama dito, drama dun. Biset! Yan na lang ang naibulong ko.
Balik tayo sa kaibigan. Mula kabataan mangilan-ngilan lang din talaga ang naging kasama ko "in sickness and in health". Hindi kasi ako nag-eenjoy sa malaking bilang ng magkakaibigan (kahit na kabilang ako ngayon sa isang grupo ng makukulit na mga bata sa kulto). Hindi pa din ako aktibo sa mga galaan, sosyalan, at kung anu-ano pang kaplastikan na ginagawa ng sama-sama nitong mga taong ito. Kuntento ako ng tahimik lang. Nangungutya ng tahimik, nanggagago ng tahimik. Basta, lahat ng bagay ginagawa at inaaartehan ko ng kalmado lang. Noon yun..
Noon
Pero naiba ngayon...
Malamang bukas iba na naman yan..hai hai...